Habang nasa jeep ako napaka
daming tumatakbo sa isip ko. Hindi ko na naman alam kung anong nararamdaman ko
at kung ano na naman ang tinatakbo ng isip ko. Nawawala na naman ang FOCUS ko
sa mga bagay-bagay. Kaya imbis na sumakay ako sa shuttle para pumasok, mas
minabuti ko ng umuwi para mag-isipisip.
Habang binabaybay namin ni manong
driver ang daan pauwi napansin ko na tatlo lang pala kaming laman ng jeep.
Bigla akong napa-isip. At sabi ng isip
ko,
“Ang lovelife parang pag-papasada ng jeep, minsan talaga kelangan mong makuntento kung sino lang ang nandiyan para sumakay . . ”.
Pero sa buhay realidad ng jeepney driver
kelangan agresibo. Kailangan hindi ka mapili. Kelangan mong hintuan lahat ng
lugar para lang mapuno mo ang jeep mo.
At bigla na naman nagsalita ang isipan ko,
“Pero OO nga no! Sa buhay
pag-ibig, kahit meron ka na, hahanap at hahanap ka pa rin ng iba ”. (exclude
me! LOL)
Parang sa pagpapasada, hindi ka
makukuntento sa iisa lang. Hahanap at hahanap ka pa rin ng pasasakayin mo.
Maka-quota ka lang.
Maya-maya pumara na yung dalawang
sakay ng jeep at sabi ni manong driver,
“Ang malas ko naman 400 ang boundary ko pero tignan mo eto lang natira sa akin
maghapon.”. At agad-agad kong binilang ang pera ni manong na naka-display
sa may windshield. At sa estima ko wala pang 200 lahat yun. Pero ganon pa man nagawa pa rin ni manong
ngumiti at magpatawa.
Bigla na naman nag-salita ang
aking isipan, “Manong ganyan talaga ang
buhay, minsan suwerte at minsan hindi. Ang mahalaga nagagawa pa rin nating ngumiti
sa mga panahon ng problema. ”
At dahil desperado na talaga si
manong lahat na ng kanto na may tao hinintuan niya. Pero ang ending wala pa
ring sumasakay. Kaya nagsalita na naman ang aking isipan,
“Siguro nga ang lovelife parang pagpapasada ng jeepney, may sasakay
pero meron at meron ding bababa. Ang mahalaga sa buong biyahe mo, meron- at-merong isang tao
ang makakasama mo sa iyong paglalakbay.”
Hindi ko talaga alam kung bakit
na ikokonekta ko sa buhay pag-ibig ang roadtrip namin ni manong driver. Mayamaya
tinanong niya ako kung saan ako bababa at sinabi ko naman kung saan ang
destinasyon ko. At dahil tinanong na rin naman niya ako, nahiya na ako at
nagabayad. Total ako lang naman ang laman ng jeep niya. Nag-abot na ako ng 15
pesos (14 pesos lang pamasahe ko). Pero hindi niya na ako sinuklian ng piso.
Sabi ko OK lang pampalubag loob na lang.
At bigla na naman nag-salita ang aking malikot na diwa,
“Minsan talaga sa pag-ibig, kung anong ibinigay mo eh hindi ibig sabihin
na ayun din ang makukuha mo. Pag sa tindahan ba nag-abot ka ng bente, sa tingin
mo ba bente pa rin makukuha mong sukli? Ang alam ko lang pag-dating sa pag-ibig,
kailangan mas malaki ang ibigay mo. At wag na wag kang mag-expect na mas malaki pang sukli. Just love, do your best and give your all. Dahil kung mahal ka talaga ng tao kusa siyang magbibigay sa’yo na walang halong pag-pupumilit (galing sa'yo). . . .
Dagdag ko pa . .
Minsan talaga hindi natin kailangan pang bilangin yung mga sukling
ibinibigay sa atin. Kailangan lang siguro natin makuntento at magpasalamat sa
kung ano ibinigay sa atin. Sa pag-ibig, ""It’s not about you, it’s about making your partner happy. And it’s not about
what you take, but it’s about what you give and how you give"".
Kaya sabi ko sa sarili ko sige
manong sa inyo na yang piso ko. Ang mahalaga ang luwag ng jeep na sinakyan ko.
Maya-maya na-bother na ako. Kasi
anlayo na ng nilakbay namin pero wala na talagang sumasakay sa napaka habang niyang jeep na mas mahaba pa sa Limo.
Kawawa naman si manong at talagang luging-lugi na siya sa pag-papasada mag-hapon. Baka mamaya ako pa ang
malas sa kanya. Pero nanalig ako. Sabi ko,
“Hold on, tiwala lang may sasakay din”. At meron nga! Sa wakas!
Habang palapit na ako ng palapit
sa aking bababaan bigla akong napaisip,
“Ang lovestory pala parang pag-sakay sa jeep. Kahit gaano man kalayo
ang pinagsamahan at nilakbay niyo. Dadating at dadating pa rin pala talaga yung
oras na kelangan magpaalam at maghiwalay….”
“..ang mahalaga bago mo man siya tuluyang iwanan alam mo sa sarili mong
hndi mo siya iiwanang mag-isa, bagkus iiwan mo siyang masaya sa piling ng iba.”
-the end-